Ilog ng dalamhati at paglaban*
Sa ilog umuusbong ang mga kabihasnang prehistoriko at sa dulo ay lulundo sa lawak at lalimng karagatan. Tulad nito, ang buhay ni Baby River ay nagpunla ng isang malawak na hanay ng mamamayan na lalaban nang huyong sa hustisya sa kabila ng pangungulila at pagdadalamhati.
Isang taon nang nakakalipas simula nang lumisan si Baby River, tatlong buwang sanggol ng bilanggong pulitikal na si Reina Mae Nasino, dahil sa isang acute respiratory distress syndrome. Namatay si Baby River noong Oktubre 9, 2020 nang ‘di nahahagkan ng kanyang ina sa huling pagkakataon sa loob ng Intensive Care Unit (ICU) ng Philippine General Hospital (PGH).
Sa paglagak ng labi ni Baby River noong Oktubre 16 sa Manila North Cemetery, pangako ng mas malayang bukas at mahigpit na prinsipyo ang binitawan ni Nasino. “Lalaya akong mas matatag, lalaya kami nang mas matatag. Hindi tayo dito nag-iisa. Panandalian ang pagdadalamhati natin. Maghahanda tayo sa pagbalikwas natin. Babangon tayo.”
Patuloy ang panawagan ng Kapatid, isang organisasyon para sa mga pamilya at kaibigan ng mga bilanggong pulitikal sa Pilipinas, na palayain si Nasino at ang iba pang bilanggong pulitikal.
Hinihingi nila ang habag sa Korte Suprema sa pagkakataon nito na iinstitusyonalisa ang writ of kalayaan, isang tuntungan para palayain ang mga bilanggong pulitikal na matanda, may-sakit, at mga bulnerable sa coronavirus. Kung naipatupad noong panahon na buhay pa si Baby River, ay maaaring nakamit niya ang natal care, bagay na inirekomenda ng doktor na nagsilang sa kanya.
Ngunit sa kabila nito, anila’y naging malupit ang Korte sa pagkakait ng pagkakataong ito sa sanggol dahilan upang tuluyang mawalay kay Nasino si Baby River noong Hulyo 13. Naghain ng petisyon ang panig ni Nasino pagtapos ng pangyayaring ‘yon ngunit kagyat naman itong tinutulan at ibinasura ng Manila Regional Trial Court Branch 20 sa ilalim ni Judge Marivic Balisi.
Pinagbawalan din si Nasino na mabisita ang anak sa tuntungan ng COVID-19. Matapos ang anim na linggo, natagpuan na nagkaroon ng pneumonia si Baby River na maaaring lumundo sa kakulangan ng pre-natal at post-natal care na kailangan niya dahil sa mabagsik na pagkakapiit kay Nasino.
Isa lamang ang sirkumstansya na hinarap ni Baby River sa marami pang naratibo ng mga bilanggong pulitikal sa bansa. Sa ilalim ng humanitarian na rason, napalaya ang mga politikong may kaso ng korapsyon tulad ni Imelda Marcos. Bagay na parehong hinihingi ng Kapatid at ng mga bilanggong pulitikal sa Korte Suprema, lalong-lalo na sa mga kaso na walang sapat na basehang ligal, at primaryang ikinulong lamang dahil sa ‘di pagkakaisa ng pananaw.
Dagdag pa na sa panahon ng COVID-19, ang mga piitan sa Pilipinas ay higit na nasa banta ng COVID-19 dahil sa sikip at ‘di makataong lagay nito. Sa kasalukuyan, mayroong 335% national congestion rate ang mga kulungan sa bansa, tatlong beses na mas marami kaysa sa kayang i-accomodate ng mga ito, ayon sa ulat ng Rappler.
Pinasayaan din ng Bureau of Corrections sa ilalim ni Secretary Menardo Guevarra na mayroong 476 na bilanggong namatay noong Enero hanggang Hulyo 2020 at 21 rito ay dahil sa COVID-19. Ito ay isa sa mga mabigat na patunay na ang kawalan ng espasyo sa mga kulungan ng bansa ay isa sa mga higit na bulnerable sa panahon ng pandemya.
Ani Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid, matagal nang ipinapanukala ng Kapatid ang petisyon sa Korte Suprema. Mababakas ito simula noong Abril 8, 2020 sa mga unang lundo ng COVID-19. Ngunit sa kabila ng mga kaso ng namatay at patuloy na panawagan dito, tuloy sa palipag-hangin ang sagot ng Korte.
“Let the tragedy of baby River stir your conscience. Act now by institutionalizing the writ of kalayaan for the sake of all at-risk prisoners. Just last February, Nona Espinosa, also a political prisoner, lost her one-month-old infant daughter because of infection of the lungs and blood,” sabi ni Lim sa kanilang pahayag.
(“Dapat na magsilbing aral ang trahedya ni Baby River para sa inyong konsensya. Kumilos na kayo at igulong ang institusyonalisasyon ng writ of kalayaan para sa lahat ng at-risk na bilanggo. Nitong nakaraang Pebrero lang, si Nona Espinosa, isa ring bilanggong pulitikal, ay namatayan ng isang buwang sanggol dahil sa impeksyon sa baga at sa dugo,”)
Ang tinutukoy na sanggol sa pahayag na ito ng Kapatid ay si Baby Carmen. Apat na buwan matapos ang kamatayan ni Baby River, nasundan pa ito noong Pebrero 14. Tatlong araw matapos siyang isilang, kinuha ng mga awtoridad si Baby Carmen, dahilan upang mawalay sa kaniyang inang si Espinosa.
Tulad nang nangyari kay Nasino, hindi nabigyan ng sapat na pre-natal care si Espinosa. Pilit din ang pagkuha sa kanyang sanggol sa kabila ng diagnosis na si Carmen ay may problema sa paghinga.
Kagyat din naman itong kinondena ni Lim. “The plight of baby Carlen and baby River remind the government of its obligation to prioritize the protection of the innocent. .. release their mothers to take proper care of them since there are other custodial and judicial measures to enforce their appearance in court.”
(Ang danas ni baby Carlen at baby River ay isang paalala sa pamahalaan na may obligasyon itong iprioritisa ang proteksyon ng mga inosente. . . palayain ang kanilang mga ina upang mabigyan ng angkop at sapat na kalinga dahil may iba namang paraan para sa custodial at judicial na maaaring gamitin para hingin ang presensya nila sa korte.)
Buhat ng mga kasong ito, hinimok ni Lim na ‘di na dapat mag-aksaya ng pagkakataon ang Korte Suprema. Ang writ of kalayaan ay proposal ni SC Associate Justice Marvic Leonen na nagbibigay ng extraordinary legal remedy sa ilalim ng tuntungan sa ‘social justice and humanity’ sa pagkilala sa congestion ng mga kulungan sa gitna ng COVID-19.
Ang alaala ni Baby River, batid ni Lim, ay dapat na magsilbing instrumento sa mga opisyal ng pamahalaan para kumilos nang may konsensya at may angkop na pananaw ng hustisya at habag.
Ang pagpanaw ni Baby River ay buhat ng pagkakait ng estado ng karapatan sa mga kritiko nitong tulad ni Nasino. At ang pagkakabilanggo ni Nasino, Espinosa, at iba pang ina na biktima ng politikal na represyon, ay mula sa lumalalang pantutugis ng estado sa mga kritiko nito — ang maging komunista, o paratangang komunista, ay kawalan ng karapatan o kamatayan para sa estadong ito. Kahit na walang hudisyal na paglilitis at purong demoralisasyon lamang.
Tulad ng marami pang sanggol na pinagkaitan ng magulang, ng buhay, at ng karapatan ng estadong ito para lamang sa ganansya ng kanilang gyera kontra-droga, kontra-insurhensya, at kontra-terorismo; magpupunla ang buhay nila ng malawak na hanay ng masang nagkukuyom sa galit habang pinanghahawakan ang pangungulila.
*Salin mula sa ilalabas na dokumentaryo ng Kodao Productions: River of Tears and Rage (October 16, 4:00PM).