Karera ng Iilan

Dominic Gutoman
3 min readSep 23, 2021

--

Bukod sa banta ng haginit ng mga tambutso’t harurot ng gulong, mayroong ginhawa sa minu-minutong byahe sa dyip. Ilan dito ay ang paglikha ng mga alternatibong uniberso sa hikap ng gulong: mga simpleng pakikisuyo ng barya, mga aksidenteng sulyap sa kapwa-pasahero, ‘senti-mode’ habang nakadungaw sa bukaka ng bintana, at ang mga tsismis at pagkadala sa lakas ng halakhak ng dalawang ale sa kabilang hilera.

Ngunit dala ng direksyon ng mga eksena sa ating isip ay ang tahimik na pagsusumamo ng mga tsuper sa isang ligtas na kalalagyan at puwesto sa lipunan.

Mula noon hanggang ngayon

Ang mga pinira-pirasong materyales ng mga abandonadong saksakyang pangdigma ng mga Amerikano noon ay muling idinesenyo at minekaniko ng mga Pilipino sa isang anyo ng transportasyon: ang dyip. Nagawa nitong bigyang-tugon ang suliranin ng mga Pilipino sa transportasyon matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig hanggang sa kasalukuyan.

Tinagurian itong ‘hari ng kalsada’ gaano man ito karami, gaano man kakintab ang mga kotseng tumabi sa mga ito. Kilalang kilala ito mula sa mga pabalat nitong sining — kung anu-anong burloloy, tipograpiya, at disenyong matingkad — at lalong lalo na ang lawak ng kaya nitong okupahan at murang pamasahe.

Kaya naman ang mga ito ay nagsilbing simbolo ng mayamang kulturang Pilipino at isang uri ng transportasyon na mananatiling natatangi sa Pilipinas. Sa pagsusuri, mahalaga ang naging papel ng pag-usbong ng mga dyip sa kultura at ekonomiya ng mga Pilipino: ang pagiging abot-kaya ng transportasyon bilang isang moda ng serbisyong panlipunan.

Negosyo imbes na serbisyo

Bukod sa walang kaparis na representasyon nito sa ibang kultura, mayroon naman itong mga suliraning kinahaharap. Kinikilala ng sektor ng mga tsuper ang pangangailangan ng pag-unlad sa kanilang mga dyip upang ganap na matugunan ang kanilang serbisyo sa mga pasahero (hal. di kontroladong pagpasok ng polusyon sa loob ng sasakyan at ang ambag nito sa polusyon).

Nakakapanggalaiti naman ang naging tugon ng administrasyon na pagpataw ng represibong pulisiya para sa mga tsuper at operator. Bagaman ay nagkaroon na ng modelo ng dyip na kontra-polusyon at angkop sa mekanikal na pamantayan — Euro 4 engines — nagkakahalaga naman ito mula ng tumatagingting na P1.4 million hanggang P1.6 million.

Dito pa lamang ay makikita na, may masidhing kakulangan ang mungkahi na ito sa pagsasaalang-alang ng sosyo-ekonomikal na demograpiks ng mga apektado nito. Kung hindi lahat, kalakhan ng mga tsuper na nakikipagsapalaran para rito ay masa. Imbes na tulungan nito ang mga tsuper sa pag-abot ng mga dyip, nagpresenta lamang ang mga kinauukulan ng mga di praktikal na solusyon at pagpapalala lamang ng sitwasyon tulad ng 1 billion na pagpapautang sa mga tsuper. Kaya naman sa loob ng pitong taon ay kailangang makapagbayad ang mga tsuper ng halagang P800 araw-araw, kalakip na ang 6% na interes.

Paglalantad sa bulusok ng panlalamang

Kaya naman nitong mga nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan, ay mayroong paglulunsad ng pambansang tigil-pasada at kilos-protesta upang tutulan ang mga pulisiyang may huwad na pagbabalangkas ng solusyon sa mga suliranin ng ating mga tsuper.

Kamakailan lamang, nakita ang mga pagbabalatkayo ng gobyerno sa pagturol ng mga suliraning environmental at sa transportasyon. Sampal sa kanila rito ay ang iskandalo sa pagkakaroon ng crackdown sa mga pampublikong bus habang hinahayaang makadaloy ang mga pribadong sasakyan, na isang lantarang anyo ng paglilimita ng serbisyo.

Bukod pa rito, noong ika-3 ng Agosto, inanunsiyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang insidente sa LRT na naging dahilan upang ito ay hindi maging ‘functionable’ sa susunod na siyam na buwan. Bilang isang panibagong kawalan ng pampublikong sasakyan, maraming mamamayan lalo na sa kamaynilaan ang patuloy na aasa sa mga dyip, bus, at iba pang pampublikong sasakyan na kasalukuyang pinagdadamutan ng tunay na serbisyo. Alinsabay nito, ang naging tugon lamang ng mga nakaupo sa kasalukuyan ay ang pagkakaroon ng ‘business class’ sa isa na namang pampublikong transportasyon: Manila Metro Rail Transit System.

Palatandaan ang mga bigkis ng suliraning ito na ang pag-unlad na nagnanais lamang na pangimbabawan ang ilang sektor at nananatiling serbisyo lamang para sa iilan ay kailanman, hindi maituturing na anyo ng pagsulong, o anumang antas na malapit dito. Sa esensiya, bukod sa wala itong kontradiksiyon na naigpawan, ito ay maituturing na isang uri ng pananamantala.

--

--

Dominic Gutoman
Dominic Gutoman

Written by Dominic Gutoman

Covers human rights, environment, grassroots initiatives, and accountability mechanisms at bulatlat.com.

No responses yet