IN PHOTOS: Kibo ng Kalye Dose
‘HINDI KAMI MGA HAYOP:’ Dalawang araw bago ang nakaambang pagpapaalis sa mga nasunugang residente sa Kalye Dose, patuloy na diwa ng paglaban para sa pabahay at tulong pinansyal ang igigiit nila Nanay Emma, pinuno ng Samahang Maralita ng Kalye Dose, at si Tatay Roger.
Buong tapang na hinarap ni Tatay Roger ang mga pagbabakasakali para sa karapatan nila sa pabahay. Aniya, pare-pareho lamang silang nasunugan at ang mga espasyong ipinagkakait sa kanila, ay dati nilang tahanan na tinupok ng apoy.
Siksikan at lantarang bulnerable sa pandemya, ganito inilarawan nina Tatay Roger at Nanay Emma ang kanilang sitwasyon sa tumatagal na pananatili at pagbibinbin sa kanilang mga hinaing para bigyan ng makataong tutuluyan at suporta para makapagsimula.
Sa kabila ng di makataong sitwasyon habang nanunuluyan sa PUP-NDC Court, patuloy pa rin ang pangako ni Nanay Emma na ilalaban ang kanilang karapatan, habang sinasariwa ang kaniyang mga panahon sa loob ng Pamantasan bilang isang dyanitor. Kwento niya, ang suporta ng masa sa loob at labas ng komunidad ang nagpapalakas sa paninindigan nila upang tuluyang lumaban, tulad kung paano nila buong lakas na itinaguyod ang barikada taong 2012 sa loob ng Pamantasan.