Kontra sa Lundo ng mga Higante
Hindi mga dambuhalang isda ang lalamon
sa kanilang pagpalaot, kundi mga badya
ng Kumunoy sa lupa ng islang masagana
ang tubig. Sa distansiyang itinakda lamang
para sa kanilang mga lambat, ay mayroon
ding Higante ang kumakamkam sa
dapat sana ay kanilang huli. Ubos na ang
pag-asa para sa mga Hitano ng karagatan
nang sila ay paulit-ulit na pinupugto ng
mga Halimaw na mas malaki sa kanila.
Ang tirahan, ang teritoryo, ang buhay
ay isa-isang pinagkakait sa kanila, tila
kulang na lamang ay pati ang daluyong
ng karagatan, ang simoy ng hangin
habang ang mundo ay nanonood sa
kanilang pagpalaot; ay limasin.
Pudpod na ang kamay nila para sa mga
sagwan. Ang mga onda ng tubig ay
kanilang bibilangin hanggang ang gabi
ay sumapit. At ang pagdaong nila ay
kalabit sana ng pahinga. Ngunit habang
kinakain ng kumunoy ang kanilang mga
tirahan, paglalapain nila ang katiting
na isda sa kanilang mga bangka,
kukunin ang bituka atsaka ihahagis
sa bukana ng kumunoy: ito ay tumigil.
Dalawang araw ng pakikipamuhay sa mga mamamalakaya ng Julugan. Bagaman ay wala pang naitatalang sariwang danas sa kanilang komunidad, isa ito sa mga markado na para mahigpit na antabayanan lalong lalo na’t katabi lamang nila ang lupain ng mga Villar.
Manipestasyon ng Isla Alamangan sa Nang Pumalaot sa Aninag ng Sigwada (2020).