Nang Maubos ang mga Alitaptap
Isang dekada na nang maubos
ang mga alitaptap ng Shariff Aguak.
Sa dilim ay pagkit lamang
ng kandila ang abot ng pandama.
Dinagsa ng mga sisiw ang pangungulila
habang nagbabakasakali
sa kanilang mga huni; ngunit walang
nakapula at nakakulong kundi mga sisiw din.
May mga panahon na naliligaw
ang mga alitaptap. At maririnig
ng mga tao sa paligid ang sunud-sunod
na lagitik ng mga kamera.
Sa paghihintay ay dumating na ang panahong
walang huni ng sisiw ang maniningil
kundi kilansing ng timbangan
at mga kamao ng taumbayan.
Unti-unting bumabalik
ang mga alitaptap: silang giya
ng mga nangangapa sa dilim
at kumakawala.