IN PHOTOS: #SulongVakLASH
Pula ang unang kulay ng bahaghari, ang kulay na naglalarawan sa pinakamataas na antas ng pagmamahal: ang pakikibaka. Gagap ito mula sa unang pandaigdigang pagkilos ng sangkabaklaan — ang Stonewall Protest (1969) — serye ng protesta upang gapiin ang karahasan ng pulisya at estado. Habang sa Pilipinas naman, ang unang martsa ng sangkabaklaan ay upang igiit ang kanilang karapatan laban sa pasismo at tutulan ang pagpapatupad ng Value-Added Tax (VAT).
Hanggang ngayon, nananatili pa rin ang militansyang ito sa kasalukuyang estado ng bansa. Nakatali ang pakikibaka ng sangkabaklaan sa mga ugat ng kahirapan. Mula sa pagpaslang kay Lenie Rivas, isang lesbianang Lumad; ang pagkamatay at impyunidad kay Jennifer Laude sa kamay ng mga sundalong Kano; at ang maya’t mayang demolisyong nag-iwan sa ilang libong bakla upang mawalan ng tirahan ngayong pandemya.
Ang lahat ng ito ay buhat ng iisang paninindigan: ang Pride ay isang protesta. Magpapatuloy ang protestang ito hangga’t hindi tunay na nakakalaya ang bawat isa sa pananamantala. Kasapakat ng tunggalian ng ari, ay ang tunggalian ng uri.