secret recipe
“Ilegal na inaresto ang 18 na manggagawa ng PEPMACO
kasabay ng paggiba sa kanilang kubol.”
– Pinoy Weekly, ika-20 ng Agosto
sa walang patid na kuskos,
lilitaw sa mga gulanit at
himulmol ng mga burda,
ang lihim na sangkap
ng mga kampeon:
pinatuyong pawis
ng hapis na obrero
na dinidikdik,
biyas na naghahapo
at ibinilad ng sampung oras,
sariwang pisil ng
dugo sa lamog
ng mga armas,
at tapyas ng mga
ngalangalang namamalat.
sa walang patid na kuskos,
didikit ang alingasaw
sa bawat damit at
walang anumang pabango
ang makapagtatago ng amoy.
walang klorin
ang makapagpapaputi
at makapapanumbalik
ng kulay at sikhay
ng himaymay.